Hiniling ng PNP-CIDG sa DOJ Panel of Prosecutors na mapadalhan ng subpoena ang Bureau of Immigration (BI) para matukoy ang pagkakakilanlan nina Johnson Lee at Ding Wengkun.
Si Lee ang naging target ng drug raid sa Pampanga noong 2013 pero ito raw ay pinakawalan ng mga pulis kapalit ng P50 million.
Ang hirit ay ginawa ng PNP-CIDG sa unang pagdinig kanina ng DOJ sa kanilang isinampang reklamo laban sa tinaguriang ninja cops na sangkot sa Pampanga drug raid noong 2013 sa pangunguna ni Police Major Rodney Baloyo IV.
Ang grupo ni Baloyo ay inaakusahang nasa likod ng pagre-recycle ng mga nakumpiska nilang droga sa kanilang anti-drugs operation sa Pampanga.
Ang mga respondent ay nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular na ang Sections 27 (misappropriation), 29 (planting) at 32 (custody and disposition).