Pag-terminate ng DOT sa kontrata ng napiling contractor para sa promotional video ng “Love the Philippines”, makatwiran – Sen. Revilla

Naniniwala si Senator Ramon Bong Revilla Jr., na makatwiran lamang ang pag-terminate o pagbasura ng Department of Tourism (DOT) sa kontrata nito sa advertising agency na DDB Philippines matapos ang kontrobersiya sa promotional video ng ‘Love the Philippines’ campaign.

Dismayado ang senador dahil ang naging oversight na ito ng ad agency ay nagdulot ng kahihiyan para sa Pilipinas.

Nakikiisa si Revilla sa galit na nararamdaman ng mga Pilipino sa pagkakamaling ito ng ad agency na nagresulta sa pagkakakompromiso ng bagong lunsad na tourism campaign ng DOT.


Sa kabilang banda ay pinuri naman ni Revilla ang DOT sa mabilis na pag-aksyon hinggil sa pagpapanagot sa DDB Philippines.

Tinukoy rin ni Revilla ang magagandang nasimulan ng DOT sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Christina Frasco ay hindi dapat madiskaril dahil lang sa kapalpakan ng ad agency.

Umapela rin ang senador na magtulungan at magkaisa ang lahat para maipakita sa buong mundo ang kagandahan ng higit sa pitong libong isla ng Pilipinas, maging ang pagiging matatag ng mga Pilipino at ang kaugalian na pagbabayanihan.

Facebook Comments