Pag-upgrade sa Mactan Cebu International Airport at iba pang paliparan, iginiit ng isang mambabatas

Naniniwala si Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera na kailangang magkaroon ng 2nd runway ang Mactan Cebu International Airport at dapat din ma-upgrade sa lalong madaling panahon ang mga paliparan sa bawat rehiyon sa bansa.

Iginiit ito ni Herrera sa Kongreso at sa Department of Transportation (DOTr) makaraang mag-overshoot sa runway ng Mactan Cebu International Airport ang isang eroplano ng Korean Air kamakailan.

Kaugnay nito ay hiniling ni Herrera sa DOTr at iba pang aviation agencies na magbigay ng update sa Kongreso ukol sa mga proyekto sa mga paliparan at rokomendasyon kung paano matitiyak ang pondo nito sa buong taon.


Paliwanag ni Herrera, hindi kaya na ikarga sa national budget ang lahat ng pondong kailangan para sa mga paliparan.

Binanggit ni Herrera na ang private investors naman ay nakaantabay pa rin para sa bagong patakarang ilalabas ukol sa Build Operate and Transfer (BOT) at Public-Private Partnerships.

Kaugnay nito ay pinabibilisan ni Herrera sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagbalangkas ng panukala para sa pag-amyenda sa BOT Law.

Facebook Comments