Pag-upgrade sa NDRRMC, suporta sa rightsizing policy ng gobyerno

Iginiit ni Senator Imee Marcos, na dapat i-upgrade lamang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang suporta sa “rightsizing” policy ng gobyerno, kaysa gumawa pa ng bago at napakalaking departamento.

Ang rekomendasyon ni Senadora Imee ay natalakay sa pulong na pinangunahan ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kasama ang mga national at lokal na opisyal sa Abra na sentro ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.

Diin pa ni Marcos, ang pagbisita ng presidente at ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa mga tinamaan ng kalamidad ay nagbibigay-diin sa agarang pagdaragdag sa kapangyarihan ng NDRRMC.


Ayon kay Sen. Marcos, maaring ma-upgrade ang kasalukuyang papel ng NDRRMC bilang konseho tungo sa isang otorisadong ahensya, sa halip na magtatag ng isang “full-scale department” na may malaking badyet para sa mga pasweldo sa mga undersecretary at mga assistant secretary.

Inihalimbawa pa ni Senator Imee ang Department of Budget and Management na nagsimula bilang isang komisyon sa panahon ng kaniyang ama, na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bago ito naging departamento ngayon.

Facebook Comments