Iginiit ni Senador Imee Marcos na hindi dapat magdulot ng kalituhan sa gobyerno ang pagpapabuti sa disaster management habang gusto rin nitong tapyasin ang burukrasya.
Ito’y kaugnay ng rekomendasyon ni Marcos na dapat i-upgrade lamang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bilang suporta sa “rightsizing” policy ng gobyerno, kaysa gumawa pa ng bago at napakalaking departamento.
Sa naging pulong balitaan sa Maynila, inihayag ng senador na ang kaniyamg rekomendasyon ay natalakay sa pulong na pinangunahan ng kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos, kasama ang mga national at lokal na opisyal sa Abra, ang sentro ng magnitude 7 na lindol na sanhi ng maraming pinsala sa Northern Luzon.
Aniya, ang pagbisita ng Pangulong Marcos at Department of Social Welfare Development (DSWD) Secretary sa mga tinamaan ng kalamidad ay nagbibigay-diin sa agarang pagdaragdag sa kapangyarihan ng NDRRMC.
Magagawang ma-upgrade ang kasalukuyang papel ng NDRRMC bilang konseho tungo sa isang otorisadong ahensya, sa halip na magtatag ng isang “full-scale department” na may malaking badyet para sa mga pasweldo sa mga undersecretary at mga assistant secretary, paliwanag ni Marcos.
Tinutukoy ni Marcos ang Department of Budget and Management (DBM) na nagsimula bilang isang komisyon sa panahon ng kanyang ama, na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bago ito naging departamento.