Muling iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian ang pangangailangan na i-upgrade ang standards sa medical education.
Partikular na ipinanawagan ni Gatchalian ang upgrade sa basic medical education, medical internship, at post-graduate medical education and training.
Dahil dito, hiniling ng senador ang agad na pagsasabatas sa Physicians Act o Senate Bill No. 953 na layong tugunan ang mga polisiya na wala sa kasalukuyang batas para sa medical profession.
Kabilang na dito ang pagbubukas ng pagpapractice ng propesyon sa bansa para sa mga dayuhan, pagpapataw ng parusa para sa illegal practice ng medisina at paglilinaw sa depinisyon ng medical malpractice at ang katapat na parusa para rito.
Layon din ng panukala na lumikha ng Medical Education Council (MEC) sa ilalim ng pangangasiwa ng Commission on Education (CHED) na siyang magtatakda ng minimum required curriculum para sa degree ng Doctor of Medicine kasama na ang internship.
Bubuo rin ng Professional Regulatory Board of Medicine (PRBM) sa ilalim ng Professional Regulation Commission (PRC) na siya namang mamamahala, magre-regulate, at magbabantay sa pagsasanay ng medisina sa bansa kabilang na ang telemedicine.