
Magiging katawa-tawa ang proseso ng halalan kung hindi kukuwestyunin sa Korte Suprema o sa House of Representatives Electoral Tribunal ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na payagan si Yedda Romualdez na umupo sa papasok na 20th Congress.
Ayon sa election lawyer na si Atty Romulo Macalintal, hindi na nararapat maupo si Yedda dahil natapos na nito ang kanyang 3 consecutive terms bilang kongresista.
Si Yedda na asawa ni House Speaker Martin Romualdez ay unang naging Leyte District Representative noong 2016 hanggang 2019 at Tingog representative mula 2019 hanggang 2022 at 2022 hanggang 2025.
Matatandaan na pinayagan ng Comelec na maupo muli si Yedda sa dahil dalawang beses pa lamang daw ito naging Partylist Representative at hindi kasama sa bilang ang pagiging district representative.
Pero kinontra ito ni Macalintal dahil malinaw sa Article VI, Section 7 ng 1987 Constitution na ang bawat miyembro ng House of Representatives ay mayroon lamang “three consecutive terms”, hindi isyu rito kung kasama sa bilang ang district Representative o partylist member.
Sinabi ni Macalintal na dapat bigyang linaw ang naging hakbang ni Comelec Chairman George Garcia sa isyu ng pag-upo muli ni Yedda dahil magiging negatibo ito sa iba lalo na’t ang intensyon ng batas ay limitahan ang termino pero tila nagkaroon na ng pangmatagalan sa pwesto.









