Pag-upo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na Speaker sa October 14, tinawag na fake news ni Speaker Alan Peter Cayetano

Tinawag na “fake news” ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang kumalat na balitang uupo na bilang Speaker ng Kamara si Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Sa privilege speech ni Cayetano ngayong hapon, inatasan umano siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ang mag-aanunsyo sa napag-usapan kagabi sa Palasyo kaugnay sa isyu ng Speakership post.

Pero sinabi ni Cayetano na katatapos pa lamang ng kanilang pulong ay agad na nagpakalat ng “fake news” ang kampo ni Velasco kung saan sinasabing ito na ang Speaker pagsapit ng October 14, 2020.


Iginiit ni Cayetano na hindi lang tungkol sa isyu ng pagka-Speaker ang kanilang pinag-usapan kundi ang pambansang interes tulad ng 2021 budget.

Ayon sa kongresista, makailang beses na inalok ni Pangulong Duterte si Velasco kagabi na palipasin muna ang pag-apruba sa budget at gawin ang pagpapalit ng liderato sa buwan na lamang ng Disyembre.

Hindi lamang aniya ito ang unang pagkakataon na hindi tumupad si Velasco sa kasunduan.

Sinabi ni Cayetano na pinalabas noon ni Velasco na siya ang mauuna na uupong Speaker kahit siya ang talagang una at ngayon naman ay gustong palitan ni Velasco ang mga Committee Chairman, taliwas sa naunang napagkasunduan na tanging Speaker at Chairman ng Committee on Accounts lamang ang papalitan.

Bukod dito, marami rin aniya siyang hakbang na ginawa para magtulungan sila ni Velasco para sa smooth transition ng Speakership post pero hindi aniya nakikipagkasundo sa kaniya ang kongresista.

Giit ni Cayetano, wala sa kaniya ang problema dahil sa huli ay handa siyang umalis sa pwesto lalo kung ito ay gugustuhin ng mga kongresista, pero dapat aniyang isaisip ni Velasco na mangangailangan pa rin siya ng boto ng mayorya ng mga miyembro sa Kamara upang maging Speaker.

Samantala, pinagtibay ng mga kongresista ang kanilang boto na ibasura ang resignation ni Cayetano.

Sa botong 184 yes, 1 no at 9 abstention ay tuluyang naisantabi at naibasura ang balak na pagbibitiw ngayong araw ni Cayetano.

Facebook Comments