Pag-upo sa June 30 ng alkalde ng Pamplona, Camarines Sur, pinapipigil sa Comelec

Napipintong mauwi sa sigalot ang sitwasyon sa isang bayan sa Camarines Sur sa harap ng naantalang desisyon ng Commission on Election (Comelec) kaugnay ng reklamong inihain ng kasalukuyang alkalde ng Pamplona, Camarines Sur na si Mayor Ace Cruz.

Naging palaisipan kasi sa mga mamamayan nito ang pagbabalik sa puwesto ng sinibak na vice mayor na si Emin Imperial bilang alkalde ng nasabing bayan na napatawan na ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang puwesto sa Gobyerno dahil sa kasong kriminal at administratibo.

Pero sa kabila nito, nagawa pa rin daw ni Imperial na makapag-file ng kanyang kandidatura, makapagkampanya at manalo nitong katatapos lang na eleksyon sa bilang na mahigit 400 lang na lamang na boto.


Magugunitang una nang nadiin sa kaso si Imperial dahil sa sinasabing maanomalyang pagrenta ng mga heavy equipment noong 2014.

Lumabas sa imbestigasyon na limandaang piso lang kada araw na rental fee sa bawat heavy equipment ang inalok ni Imperial sa kontratista samantalang batay sa municipal ordinance ay 1,200 ang itinakdang rental rates o upa bawat oras.

Dahil dito hiniling ni incumbent Mayor Ace Cruz ng bayan ng Pamplona at mga kaalyado nito ang agarang desisyon ng Comelec.

Nakikiusap sila sa Comelec na agad aksiyunan ang hiling nilang mapigilan ang pag-upo ni Imperial bago sumapit ang Hunyo 30, ang petsa kung saan ang mga nahalal ay manunumpa na sa bayan at para maiwasan ang kalituhan ng taumbayan.

Facebook Comments