Pag-usad ng negosasyon patungkol sa pagbalangkas ng COC sa South China Sea, inilahad ni PBBM sa ASEAN Summit

Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kapwa niya lider sa ASEAN ang pag-usad ng negosasyon para sa pagbalangkas ng Code of Conduct o COC sa South China Sea.

Sa intervention ng pangulo sa ginanap na 26th ASEAN-China Summit, sinabi ng pangulo na ang maagang pagtatapos sa pagbuo ng COC nang naaayon sa international law, kabilang na ang 1982 UNCLOS, ang nananatiling mithiin para sa ASEAN at ng China.

Sa nasabing pagpupulong ay isinulong din ng Malaysia at Singapore ang pagsasapinal ng COC.


Pagbibigay-diin ng pangulo na dapat mapalakas din ang ASEAN connectivity, supply chain at maritime cooperation lalo pa at isang archipelagic nation ang Pilipinas.

Ayon sa pangulo, lalago lamang ang kooperasyon sa maritime domain kung may kapayapaan, seguridad, at katatagan sa rehiyon batay na rin sa international law.

Kaya naman, ayon sa pangulo, ipagpapatuloy lamang ng Pilipinas ang pagtataguyod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS kung saan nakabatay ang lahat ng mga aktibidad sa mga karagatan.

Muling nanindigan ang pangulo sa commitment nito sa rule of law at mapayapang pagsasaayos ng gulo sa South China sea.

Facebook Comments