Ipinakukunsidera ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang pag-utang ng bansa upang mabawasan ang budget gap dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Matatandaang inanunsyo ng Bureau of Treasury na umabot sa P562.2 bilyon ang budget deficit mula Enero hanggang Mayo 2020 na mas mataas ito ng 695 na beses kumpara sa budget gap noong nakaraang taon sa parehong period na nasa P809 milyon lang.
Tiniyak ni Salceda na kung uutang ang pamahalaan ay agad na hahanapan ng Kongreso ng paraan na mabayaran ng gobyerno ang utang para punan ang gap sa mahinang fiscal performance ng bansa ngayong may krisis.
Ayon kay Salceda, aaprubahan ng Kongreso ang iba’t ibang tax measures na magpapalakas sa credit ratings ng bansa.
Halimbawa aniya rito ang pagbubuwis sa digital economy at sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na inaasahang magbubunga ng P29.1 bilyon at P45 bilyon na karagdagang kita sa pamahalaan kada taon.
Bukod rito, P205 bilyon dagdag na revenue sa loob ng limang taon naman ang malilikom mula sa Motor Vehicles Road User’s Tax.
Iginiit ni Salceda na dapat umutang na sa ngayon ang pamahalaan katulad ng ginagawa ng karamihan sa mga mayayamang bansa dahil kung hindi ay lalo lamang lalala ang problema sa budget gap ng Pilipinas.