Pag-utang ng P763 milyon ng LGU Nagtipunan, Kinuwestyon ng Mamamayan

Cauayan City, Isabela-Kinukwestyon ngayon ng mga residente sa bayan ng Nagtipunan, Quirino ang ginawang pag-utang ng LGU sa Land Bank of the Philippines (LBP) na P763 milyon para sa sinasabing pagpapagawa ng ilang proyekto na babayaran sa loob ng 20 taon.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay G. Loyd Toloy, nababahala ang mga ito sa hakbang ng LGU Nagtipunan dahil higit aniya na mababaon sa utang ang bayan dahil sa milyon-milyong pisong pag-utang.

Aniya, maliit lang ang income source ng LGU kung kaya’t sa P400-M Internal Revenue Allotment (IRA) kukunin ang pambayad sa nasabing halaga ng utang.


Ayon pa kay Toloy, ilan umano sa paglalaanan ng pondo ay ang pagpapatayo ng magarang hotel, coliseum, sports complex at pagbukas ng mga daan sa liblib na lugar sa bayan subalit hindi aniya ito ang pangunahing kailangan sa ngayon dahil sa pandemya at kahirapan ng mga residente.

Sinabi rin nito na may history ng pangungutang ang kasalukuyang alkalde sa tuwing papalapit ang halalan.

Matatandaang nakautang ng P94 milyon ang LGU na hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang pagbabayad ng tumungtong ang 2013 elections.

Bukod pa dito, sinabi rin niya na hindi man lang nagkaroon ng public consultation hinggil sa planong pangungutang ng LGU Nagtipunan at kanilang ipinupunto na kahina-hinala ang tunay na dahilan ng pag-utang ng napakalaking halaga.

Plano rin umano ang hiwalay na pag-utang sa Development Bank of the Philippines (DBP) ng halagang P714 milyon.

Samantala, sa post sa facebook page na “Municipality of Nagtipunan’ sinabi ni Mayor Nieverose Meneses na walang katotohanang may-utang pa ang LGU dahil ‘fully paid’ na at nag-mature na ito noong March 26,2020 kaya’t hindi aniya dapat isama sa kabuuang utang na ipinagkakalat ng ilang tao.

Siniguro naman ng alkalde na hindi magagalaw ang ibang pondo na paglalaanan ng proyekto gaya ng calamity fund at pondo ng bawat barangay.

Hindi rin aniya makokompromiso ang kakayahan na tugunan ng lokal na pamahalaan ang usapin sa pandemya dahil isang progresibong hakbang ang kanilang ginawa para sa mga Nagtipuneros.

Panawagan ngayon ng mga mamamayan sa ilang ahensya ng gobyerno at kay Pangulong Duterte na huwag payagan ang umano’y pananamantala at pagkabaon sa utang ng mga Nagtipuneros lalo na sa panahon ng pandemya.

Facebook Comments