Walang nakikitang problema si Vice President Leni Robredo sa tila kompetisyon ng mga local government unit (LGU) sa Metro Manila pagdating sa pagbabakuna.
Katunayan, ayon sa bise presidente, maganda na nag-uunahan ang mga lungsod dahil mas nagiging ganado silang maabot agad ang herd immunity.
“Okay ito na nag-uunahan sap ag-achieve ng herd immunity kasi gano’n naman e. kapag competitive ka mas ganado kang gawin sa abot ng makakaya yung pinakamabilis at pinaka-effective nap ag-deploy [bakuna]. So, hopefully, dito sa Metro Manila, very,very soon maabot na yung herd immunity,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.
Oras na maabot ang herd immunity sa National Capital Region (NCR) at sa mga lugar na sakop ng NCR Plus bubble, tiyak aniya na maganda rin ang epekto nito sa iba pang mga probinsya.
“Kasi parang nagre-reverberate naman ito sa labas. Kapag nakontrol nang maayos sa Metro Manila, parang mas assured na, na susunod na yung mga probinsya. Although ‘pag tiningnan natin yung listahan ngayon, marami pa rin na mga provincial cities na mataas yung transmission na dapat tutukan na rin,” dagdag niya.
Umaasa naman si Robredo na magtutuloy-tuloy na muli ang COVID-19 vaccine delivery sa bansa matapos na ilang araw itong naantala.
Noong Biyernes, July 9, dumating sa Pilipinas ang isang milyong doses ng AstraZeneca vaccine na donasyon ng Japan.
Biyernes naman ng gabi nang dumating ang 132,200 doses ng Sputnik V vaccines mula sa Gamaleya Research Institute ng Russia na sinundan ng pagdating ng karagdagang 37,800 doses mula sa COVAX Facility kagabi.