Nakatakda ngayong umaga ang pag-uusap nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Indonesian President Joko Widodo sa Jakarta, Indonesia.
Sinabi ng pangulo, magiging sentro ng kanilang pag-uusap ni President Widodo ay ang pagpapalakas pa ng bilateral relationship partnership ng Pilipinas at Indonesia na umabot na sa 73 taon.
Bukod dito, mapag-uusapan din ang pagtutulungan sa security defense, trade and investment at maging kultura.
Patitibayin din aniya ang tinatawag na people-to-people ties na dinaraan sa pamamagitan ng turismo at business travel.
Pero bago ang pagpupulong ng dalawang lider, magsasagawa muna ng State Welcome Ceremony para kay Pangulong Marcos Jr., sa Bogor Presidential Palace ng Jakarta.
Pagkatapos ay gagawin ang tete-a-tete, tree planting, joint press statement at state banquet o salo-salo na lahat ay mangyayari sa Bogor Presidential Palace.
Sa unang araw ng state visit ng pangulo sa Indonesia kahapon ay ang una itong nakipagkita sa Filipino community.