Nilinaw ng National Maritime Council (NMC) na hindi ‘withdrawal’ o pagsuko ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal.
Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ni NMC Spokesperson Vice Admiral Alexander Lopez, ‘humanitarian’ ang pangunahing rason ng pagbalik ng BRP Teresa Magbanua sa Palawan dahil may mga tripulanteng nagkasakit at kailangan ng atensyong medikal.
Ayon kay Lopez, hindi rin napagkasunduan sa Bilateral Consultation Mechanism ng Pilipinas at China sa Beijing kamakailan na aalis ang barko sa Escoda Shoal.
Sa katunayan nagmatigas aniya ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa naturang meeting at nanindigang mananatili ang presensya ng Pilipinas sa lugar.
Sinabi naman ni Lopez na mayroon nang utos ang liderato ng Philippine Coast na magpadala ng kapalit na barko sa Escoda Shoal.