Pinaghahandaan na ng pamunuan ng Buendia Bus Terminal ang pag-uwi naman ng mga kababayan galing sa mga lalawigan pagkatapos ng paggunita ng Undas.
Ayon kay DLTB Co. Terminal Manager Lyndon Salvador, inuumpisahan na nila ang koordinasyon sa iba’t ibang home-based terminals sa mga probinsya para sa maayos at ligtas na pagbabalik naman ng mga biyahero sa Metro Manila.
Sinabi ni Salvador na November 3 ay magsisimula na ang uwian ng mga nagbakasyon sa mga probinsya at tatagal ito hanggang sa November 7.
Pinayuhan naman ni Salvador ang mga kababayan na pabalik ng Maynila na piliin ang oras ng pag-uwi at huwag magsabay-sabay sa pagluwas.
Aniya, maaaring agahan na ng iba ang kanilang pagbabalik o kaya naman ay magpahuli para hindi sila mahirapan at hindi maipit sa matinding traffic.
Tiniyak naman ng pamunuan ng bus terminal na may sapat silang bilang ng bus na maghahatid sa ating mga kababayan pauwi ng Metro Manila.