Pag-uwi sa mga bangkay ng OFWs sa Saudi, puspusang inaasikaso ng gobyerno

Nasa 244 na mga labi ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ang inaasikaso ng Department of Foreign Affairs (DFA) na maibalik sa bansa, kung saan sa naturang bilang ay 106 ang nasawi dahil sa COVID-19.

Sinabi ito ni DFA Undersecretary Sarah Arriola sa pagdinig ng Senate Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Senator Joel Villanueva.

Bukod sa pagtutok sa pag-papauwi ng mga labi ng OFWs, sinabi ni Arriola na sinisikap din nilang matulungan ang mga Pilipino sa abroad na nagpositibo sa COVID-19 na umaabot na ngayon sa 8,234 na pinakamarami ay sa Middle East at Africa.


5,057 sa mga ito ang gumaling na habang 2,759 ang aktibong kaso at 508 ang nasawi.

Sa pagdinig, sinabi naman ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na wala pang rekomendasyon ang ahensya sa hiling ng mga kaanak ng mga OFW na namatay sa COVID-19 na maiuwi ang labi ng mga ito.

Ayon kay Bello, tatalakayin pa ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang hiling na ito ng mga kaanak ng nasawing OFWs.

Binanggit din ni Bello, na may protocol na dapat i-cremate agad kapag nasawi sa COVID-19 ang OFWs, pero may mga bansang ipinagbabawal ito at ang gusto ay doon na lamang ilibing ang OFWs, na tinututulan naman ng kanilang kaanak.

Facebook Comments