Pag-veto ng mga item sa panukalang 2025 national budget, hindi gagawin ni PBBM

Hindi nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pangangailangan na mag-veto ng anumang line item sa panukalang 2025 national budget matapos ang naganap na Bicameral Conference Committee.

Sa ambush interview sa Malacañang, sinabi ng pangulo na pinaplantsa pa nang husto ng Malacañang ang detalye ng pambansang budget para sa susunod na taon.

Ang natapos lamang aniya sa Bicam ay ang kabuuang budget pero wala pa itong detalye kaya sa ngayon inaaral pa nila itong mabuti ng Bicam at ng Palasyo ang bawat detalye ng budget ng mga ahensiya.


Ayon pa sa pangulo, pinagtutuunan nila ng pansin ngayon ang hindi paglalaan ng subsidiya para sa Philippine Health Insurance Corp., o PhilHealth at ang malaking tapyas sa budget ng Department of Education.

Pero ipauubaya na muna niya sa Kongreso o sa Bicam ang pagtalakay rito.

Tiniyak naman ng pangulo na bago mag-Pasko ay pipirmahan niya ang P6.352 trillion na 2025 national budget.

Facebook Comments