Binatikos ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Representative France Castro, ang pag-veto ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa panukalang tax exemption sa honoraria, allowances at iba pang financial benefits para sa election workers.
Para kay Castro, ang hakbang ng pangulo ay maituturing na sampal sa mga guro na nagsisilbi tuwing eleksyon kahit nalalagay sa alanganin ang kanilang buhay at kalusugan tulad nitong nakalipas na eleksyon sa gitna ng pandemya.
Diin ni Castro, hindi makatwiran ang pagpapataw ng 20% buwis sa honoraria ng mga election volunteers kapalit ng panganib at mahabang oras ng pagsisilbing nila tuwing halalan.
Dagdag pa ni Castro, taliwas din ito sa tunay na layunin ng Election Service Reform Act o Republic Act 10756 na nag-aatas na suklian ng nararapat na benepisyong pinansyal ang sakripisyo ng mga nagsisilbi sa botohan.
Bunsod nito ay hinikayat ni Castro sa mga guro at iba pang election service volunteers na umapela sa kanilang mga kinatawan sa mababang kapulungan para sa posibilidad na pagbaliktad nila sa nabanggit na hindi makatarungang pag-veto ng pangulo.