Pag-veto ng pangulo sa Sim Card Registration Bill, ikinalugod ng ilang Kongresista

Ikinalugod ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang pagkaka-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala para sa mandatory SIM card registration.

Mula 17th Congress ay isa si Zarate sa mariing tumututol sa pagsasabatas ng panukala.

Iginiit ng kongresista na ang SIM card registration bill ay taliwas sa “right to privacy” at “free expression” na ginagarantiya ng Konstitusyon.


Aniya, magmimistulang “Big Brother” ang Gobyerno dahil posibleng matukoy at mabasa ang lahat ng mga text messages at tawag mula sa cellphone.

Magkakaroon din ng “easy access” ang pamahalaan sa SIM card at data ng mga subscribers na maaaring ibigay ng mga telecommunications company.

Bukod pa rito ay malabo rin maresolba ang problema sa “text scams” dahil gumagamit ang mga kawatan ng mga specialty tools o mga kagamitan na maaaring makapagpadala ng mga bogus na text messages.

Maliban dito ay dagdag abala rin ito sa mga consumers sa pagkakaroon ng dagdag na proseso para makagamit ng SIM card at tiyak na mahihirapan dito ang National Telecommunications Commission (NTC).

Facebook Comments