Pag-veto ni PBBM sa ilang items sa 2026 budget, walang epekto sa ekonomiya

Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi makaaapekto sa paglago ng ekonomiya at sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan ang pag-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilang bahagi ng ₱6.79-trilyong 2026 National Budget.

Ayon sa DBM, ang mga tinanggal na pondo ay wala sa programmed appropriations, kaya’t hindi maaantala ang mga pangunahing proyekto at serbisyo ng gobyerno.

Sampung items sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations ang vineto ng Pangulo. Kabilang dito ang:

• ₱6.8 bilyong budget support sa Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs)

• ₱4.3 bilyong pondo para sa Comprehensive Automotive Resurgence Strategy (CARS) Program

• ₱2 bilyong insurance para sa government assets

• ₱6.7 bilyong public health emergency benefits

• ₱43 milyong pondo para sa personnel services requirements

Sa press briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ni DBM Secretary Rolando Toledo na may ilan sa mga tinanggal na item na mayroon nang nakalaang pondo sa budget ng ibang ahensya.

Halimbawa, ang pension at gratuity fund ng mga sundalo at uniformed personnel ay nakapaloob na sa budget ng Dperatment of the Interior and Local Government (DILG) at Department of National Defense (DND), kaya’t inalis na ito sa unprogrammed appropriations upang maiwasan ang pagdodoble ng pondo.

Samantala, tatlo na lamang ang natitirang item sa unprogrammed funds, kabilang ang suporta sa foreign-assisted projects na nagkakahalaga ng ₱97 milyon, ang revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program na ₱50 bilyon, at ang Risk Management Program na ₱3.6 bilyon.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na hindi niya hahayaang maging “backdoor” sa discretionary spending ang unprogrammed appropriations, kaya’t ito ay kanyang tinapyasan sa pinakamababang antas.

Facebook Comments