Nagpadala na ng liham sa Malakanyang ang Public Attorney’s Office para hilingin sa Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-veto sa pagtapyas ng Senado sa budget ng PAO Forensic Laboratory.
Partikular ang isiningit na special provision sa General Appropriations Act (GAA) 2021 na nagbabawal sa PAO na gamitin nito ang kanilang Personnel Services at Maintenance and Operating and other Expenses.
Nakasaad sa anim na pahinang apela ni PAO Chief Persida Acosta kay Pangulong Duterte na ang naturang special provision sa GAA 2021 ay unconstitutional, vindictive, arbitrary, oppressive at maituturing na unethical machinations.
Paliwanag pa ni Atty. Acosta na bilang Chief Executive ng PAO ay mandato niya na maibigay ang nararapat na hustisya sa milyun-milyong indigent na mga Pilipinong kliyente ng PAO.
Una nang umalma si Atty. Acosta sa pahayag ni Senador Franklin Drilon na ang PAO Forensic Laboratory ay duplication ng PNP-SOCO at ng NBI Forensic Laboratory.
Iginiit ni Atty. Acosta na hindi duplication ang kanilang Forensic Laboratory dahil ang PAO ang naatasan ng gobyerno at ng Dept of Justice na mag-imbestiga at tumulong sa pamilya ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia vaccine.