Muling umapela ang grupo ng mga doktor at si Senator Pia Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto o ibasura ang panukalang Vaporized Nicotine Products Regulation Act.
Ganito rin ang hiling nila sakaling kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., makarating ang Vape Bill na ngayon ay nasa secretary general pa ng Kamara.
Giit ng mga doktor at ni Senator Pia, niloloko lang ng Vape Bill ang publiko dahil nagpapanggap ito bilang health bill pero ang totoo ay isinusulong nito ang vape at smoking industry.
Ang panawagan ni Cayetano ay kasunod din ng pasya ng Supreme Court na nagbibigay kapangyarihan sa Food and Drugs Administration o FDA na i-regulate ng sigarilyo na taliwas sa itinatakda ng Vape Bill.
Ayon kay Dr. Rizalina Gonzalez, Chairman ng Philippine Pediatric Society, sa halip na umusad, paatras ang nilalaman ng Vape Bill.
Ito ay dahil pinapahintulutan nito ang iba’t ibang flavor ng vape, pinayagan ding bumili at gumamit ang 18-anyos mula sa dating 21-anyos at ibinigay ang regulation sa Department of Trade and Industry (DTI) sa halip na FDA.
Diin naman ni Dr. Ulysses Dorotheo, Executive Director ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance, paatras ang Vape Bill at isa itong pekeng regulatory bill.
Tiniyak naman ni Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physician, na sakaling lagdaan ng pangulo ang Vape Bill ay dudulog sila sa Korte Suprema para kwestyunin kung sang-ayon ito sa ating Konstitusyon.