
Binigyang-diin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi dapat mahirapan ang mga kliyente na mag-withdraw ng mahigit kalahating milyong piso pataas o anumang katumbas nito sa foreign currency.
Sa ilalim ng BSP Circular No. 1218, Series of 2025, malinaw anila na hindi na kailangan ng dagdag na dokumento kung gagamit ng traceable o non-cash channels tulad ng checks, online transfers, o bank transfers.
Pero kung cash ang kukunin sa malaking halaga, kailangan lang daw ng simpleng dokumento na nagpapatunay sa lehitimong dahilan ng withdrawal gaya ng deed of sale o hospital bill.
Giit ng BSP, ang pagsusuri sa mga papeles ay dapat mabilis at hindi magdudulot ng delay dahil bahagi na ito ng regular na know-your-customer procedures ng mga bangko.
Ayon sa BSP, layon ng guidelines na pagtibayin ang mga hakbang laban sa iligal na paggamit ng cash, palakasin ang integridad ng financial system, at paghikayat sa paggamit ng mas ligtas at traceable na payment channels.









