Nilagdaan na ng mga mambabatas sa Santol, La Union ang pagbabawal sa pagala-galang alagang hayop sa mga barangay dahil sa idinudulot na perwisyo at posibleng aksidente sa mga motorista.
Sa ilalim ng ordinansa, pumapatak sa P100 kada araw ang impounding fee para sa mga alagang baka habang P50 naman sa ibang hayop.
Kinakailangan na bayaran ng may-ari sa Treasury Office ang naturang halaga bago matubos ang na-impound na alagang hayop.
Papatawan naman ng multang aabot sa P300 hanggang P900 ang mga lalabag na may malalaking hayop, habang P200 hanggang P600 naman sa maliliit na hayop depende sa bilang ng paglabag.
Magkakaroon din ng kaukulang pondo ang Municipal Agriculture Office upang maipatupad ang ordinansa.
Panawagan sa publiko ang pagsunod sa ordinansa para maiwasan ang mga kaso ng sakit na nagmumula sa mga hayop at hindi makapang-perwisyo sa mga kapitbahay at motorista ang mga alagang hayop.









