Suportado ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang planong pagbalangkas ng Kamara ng batas para sa paghihigpit sa bulk foreign exchange importation.
Ito ay sa kabila na rin nang napaulat na smuggled na bilyong pisong salapi na nakakalusot sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno.
Sa ginanap na pagdinig ng Committee on Banks and Financial Intermediaries kaugnay sa pagamyenda sa AMLC, tiniyak ni AMLC Executive Director Atty. Mel Racela na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang concerned agencies kaugnay sa apat na grupong natukoy na nagpapasok ng bilyong piso at dolyares sa bansa.
Hiniling na rin, aniya, ng AMLC sa Bangko Sentral ng Pilipinas na isama sa sisiyasatin ang mga money service business tulad ng money changer, remittances agent gayundin ang mga real estate developers and agents na gumagamit rin ng foreign currency declaration.
Sinabi ni Racela na karaniwang idinedeklara na paggugulan ng mga malalaking salapi ay sa casino at real estate dahilan kaya napapayagang makalabas ng airport ang isang indibidwal dahil legal naman ang paggagamitan nito.
Suportado rin ng AMLC ang pag-relax o pagpapaluwag sa Bank Secrecy Law na makatutulong para sa law enforcement at paghabol sa mga indibidwal na pinag-hihinalaang nagpasok ng “dirty money” sa bansa.