Inihayag ng state weather bureau na Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nalalapit na itong mag-isyu ng El Niño advisory.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim pa ng El Niño Alert ang bansa ngunit sa oras na ilabas ang El Niño advisory ay hudyat na ito na umiiral na ang tagtuyot.
Ayon kay PAGASA acting Administrator Dr. Esperanza Cayanan, sa kasalukuyan ay hinihintay na lang na maabot ang atmosphere criteria bago pormal na ianunsyo ang El Niño sa bansa.
Paliwanag pa ni Cayanan na sa panahon ng El Niño ay inaasahan ang below-normal rainfall mas kakaunting ulan at pati na ang tagtuyot at dry spell sa ilang bahagi ng bansa.
Samantala, posible namang maranasan sa kanlurang bahagi ng bansa ang above-normal rainfall lalo sa Habagat season.
Kapag may El Niño advisory na ay inaasahang maglalabas na rin ang PAGASA ng dry spell at drought assessment sa bansa.
Sa tantya rin ng PAGASA, posibleng tumagal ang El Niño hanggang sa unang quarter ng 2024.