Hindi pa masabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na pwede na silang mag-deklara ng pagsisimula ng tag-ulan sa loob ng linggong ito.
Sa Laging Handa public briefing, ipinaliwanag ni PAGASA Officer-In-Charge (OIC) Dr. Esperanza Cayanan na naka-monitor lang sila sa magiging lagay ng panahon dahil may hinahanap silang criteria bago ideklara ang panahon ng tag-ulan.
Pangunahin aniya dito ay dapat maraming lugar sa bansa ang nakakaranas ng pag-ulan.
Sa kasalukuyan kasi aniya ay isolated pa ang mga pag-ulan sa bansa.
Mayroon aniya silang 14 na istasyon sa buong bansa na nagmo-monitor ng mga pag-ulan.
Kapag na-monitor aniya ang mga pag ulan sa 7 istasyon posible aniyang magdeklara na sila ng pagsisimula ng tag-ulan.
Sa kabila nito, sinabi ni Cayanan na sadya naman talagang patungo na sa panahon ng tag-ulan ang bansa ngunit kailangan lamang aniyang makamit ang criteria bago ito gawing opisyal.