Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magkaroon ng isang kagamitan na panukat sa heat index para magabayan ang mga paaralan at LGUs sa pagdedeklara ng suspensyon ng klase sa napakainit na panahon.
Iminungkahi ni Gatchalian sa PAGASA na magkaroon ng location-specific temperature forecasts upang mawala ang “arbitrary” o hindi makatwiran na kanselasyon ng klase.
Aniya, kung kailangan ng PAGASA na makabili ng makabagong teknolohiya ay nakahanda naman ang Senado na tulungan ang ahensya upang mapahusay ang decision-making ng mga LGUs at school heads.
Inihalimbawa ng mambabatas ang tropical cyclone signals na batayan ng class cancellations tuwing may bagyo sa bansa at ganito rin ang gusto ng senador sa pagtukoy ng heat indices.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan na maibigay sa mga paaralan at LGUs ang kinakailangang impormasyon upang magkaroon tayo ng advanced at strategic na pagtugon at maiwasan ang mga pangyayari kung saan ang Alkalde o school head ay may magkaibang konsepto patungkol sa class cancellations.