Umapela para sa dagdag na pondo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para sa pagsasaayos ng mga sirang doppler radar.
Sa pagtalakay sa P1.2 billion na budget ng PAGASA, natanong ni Senator Nancy Binay kung may mga nasirang kagamitan nitong nakaraang paghagupit ng Bagyong Paeng.
Tugon ni Senator Francis Tolentino na siyang dumepensa sa budget ng Department of Science and Technology (DOST) sa plenaryo, wala namang nasirang equipment sa pananalasa ng Bagyong Paeng pero noon pa ay mayroon nang apat na sirang doppler radar sa PAGASA.
Ang mga sirang doppler radar ay matatagpuan sa Basco Batanes, Virac Catanduanes, Tampakan South Cotabato, at Iloilo.
Magkagayunman, kahit sira ay mayroon namang ‘redundant’ o back up equipment na nakatutulong din tuwing may bagyo.
Mangangailangan naman ng P400 million para sa pagsasaayos ng mga sirang doppler radar.
Kung makukumpuni ang apat sa doppler radars ay aabot na sa 21 ang doppler radar stations sa bansa at sapat na ito para masakop ang mga lugar na madalas na dinadaanan ng bagyo.