Natuklasan sa plenary deliberation para sa pondo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mayroong kagamitan pero kulang naman sa mga tauhan ang ahensya.
Sa pagtalakay sa ₱1.2 billion na pondo ng PAGASA, iginiit ni Senator Robin Padilla ang pangangailangan na madagdagan ang pondo ng ahensya lalo’t tumitindi na ang nararanasang climate change sa bansa.
Aniya, ang mga lugar noon na hindi binabagyo ay nakakaranas na ng kalamidad at hindi na rin bumababa sa Super Bagyo ang kategorya ng mga bagyong sunud-sunod na tumatama sa bansa.
Dahil dito, kinamusta ni Padilla ang implementasyon ng PAGASA Modernization Act na 2015 pa naisabatas.
Ayon kay Senator Francis Tolentino, sponsor ng panukalang budget ng Department of Science and Technology (DOST), sa ilalim ng PAGASA modernization, mayroong pondo na ibinigay mula 2017 hanggang 2019 pero ito ay para lamang sa equipment at hindi kasama ang pondo para sa mga kinakailangang 700 na tauhan tulad ng mga scientists, engineers at technicians na magpapatakbo sana ng mga kagamitan.
Naikumpara ni Padilla sa “pana na walang indian” ang sitwasyon ng PAGASA na may kagamitan pero wala namang taong magmamando at mangangasiwa.
Giit ni Padilla na ngayong mas delikado na ang epekto ng climate change ay malaking tulong sana kung mayroong sapat na pondo ang PAGASA.