Pinayuhan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga residente sa Visayas at CARAGA Region na maging alerto sa papalapit na Bagyong Odette.
Ayon kay PAGASA Administrator Dr. Vicente Manalo, hindi biro ang lakas ng hangin na aabot sa 150 kilometro bawat oras na dalang lakas ng naturang bagyo sa sandaling pumasok na sa Philippine area of responsibility.
Maliban aniya sa malakas na hangin ay malawak din ang dalang pag-uulan ng bagyong papalapit sa bansa.
Sinabi pa ni Manalo na mga buwan din ng Disyembre nang manalasa noon ang mga malalakas na bagyo.
Tinukoy niya ang Bagyong Sendong na nag-iwan noon ng pinsala sa Cagayan de Oro at Northern Mindanao noong December 15, 2011.
Gayundin ang Bagyong Pablo na tumama noong December 2015 sa Northern Mindanao.
Payo ni Manalo, ipagpaliban muna ng mga biyahero ang kanilang plano dahil pwedeng maipit sa mga pantalan sa Bicol area sa sandaling itaas ang wind signal ng bagyo.