Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko na maging mapagbantay sa posibleng pagguho ng lupa.
Sa pulong balitaan sa PAGASA, sinabi ni Senior weather specialist Chris Perez na dahil ito sa inaasahang mga pag-ulan sa hilagang Luzon sa susunod na dalawa hanggang tatlong araw.
Paliwanag ni Perez, posible kasing may mga lugar na lumambot na ang kondisyon ng lupa kasunod ng nangyaring malakas na lindol.
Ayon pa sa weather bureau, posibleng umabot sa dalawa hanggang tatlong bagyo ang pumasok sa bansa sa papasok na buwan ng Agosto.
Pangakaraniwan kasing sa pagsisimula ng Agosto pumapasok ang mga bagyo at tumatama sa tumama sa central at northern part ng Luzon.
Samantala, kahit papalabas na ng teritoryo ng Pilipinas ang Bagyong Ester, magpapaulan pa rin ito sa Metro Manila sa susunod na dalawang araw dahil naman sa habagat.
Tumaas naman ang lebel ng tubig ng Ambuklao at Magat dam habang bahagyang bumaba sa Angat, San Roque at Pantabangan.