Ikinabahala ng mga kongresista ang nabunyag na pagawaan ng pekeng birth certificate sa Davao del Sur na ginagamit umano ng mga Chinese upang palabasin na sila ay Pilipino.
Nakagagalit at nakalulungkot ito para kina Zambales Rep. Jay Khonghun at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kaya dapat maimbestigahan at makilala ang mga sangkot upang mapanagot sa ating batas.
Iginiit naman ni Isabela Rep. Inno Dy, ang mga ganitong ulat ay hindi dapat ipinagsasawalang bahala, kaya’t dapat ding kumilos at mag-imbestiga ang Kamara.
Binigyang diin naman nina Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario, Ako Bicol Rep. Jil Bongalon, ito ay kawalang respeto sa pagkakakilanlan ng tao bukod sa hindi rin dapat ibinebenta ang pagiging Pilipino at wala dapat pekeng Pilipino.
Itinuturing naman ni La Union Rep. Paolo Ortega na banta sa seguridad ng Pilipinas ang mga Chinese na gumagamit ng mga pekeng dokumento, partikular na ang birth certificate.
Dagdag naman ni 1-Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez ang mga pekeng birth certificate na nagagamit sa iba’t ibang krimen ay lubhang delikado at banta a sa kaligtasan ng mamamayan.