Pagawaan ng pekeng pera sa Sampaloc, Maynila, sinalakay ng mga otoridad

Ni-raid ng pulisya ang isang bahay sa Sampaloc, Maynila na sinasabing hideout ng sindikato na gumagawa ng mga pekeng pera.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Manila RTC Judge Thelma Bunyi-Medina, pinasok ng mga tauhan ng Manila Police District Special Mayors Reaction Team (MPD – SMART) , MPD Station-4 ang bahay sa kanto ng Loyola at Valencia Street sa Sampaloc.

Ayon kay MPD-SMART Chief, Police Major Rosalino Ibay Jr., sinalakay ang target area dahil sa paglabag sa articles 166, 168 at 176 ng Revised Penal Code o manufacturing of counterfeit Philippine Currency.


Kasama ng raiding team si Manila Mayor Isko Moreno at mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP.

Naabutan ng mga otoridad ang bungkos ng mga naimprenta nang pekeng tig-₱1,000 bills na kumpleto sa mga features at kamukhang-kamukha ng tunay na pera.

Bukod sa mga pekeng pera at mga gamit sa pag-iimprenta nito, inabutan din ng raiding team sa loob ng hideout ang tatlong lalaki at ang mga bag na naglalaman ng dahon ng pinatuyong marijuana at mga drug paraphernalia.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Paulo Guevarra, 27-anyos ng Sta. Cruz, Manila; Datu Haron Mangundatu mula sa Singalong Manila, at Francis Tulawy.

Ang mga naarestong suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments