Dumipensa si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pagbaba ng approval ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte-Carpio, sa pinakahuling Pulse Asia Survey nitong buwan ng Setyembre.
Ayon kay Remulla, normal lamang ito pagtuntong sa unang taon ng panunungkulan ng isang lider ng bansa na bumaba ang approval rating sa mga survey.
Dagdag pa ni Remulla, hindi na bago sa Department of Justice (DOJ) ang kalakaran lalo na sa pagbaba ng ratings nina Pangulong Marcos at VP Sara, dahil epekto ito ng matinding pamumolitika ng mga kritiko ng pamahalaan.
Giit pa ng kalihim, ang pagbaba ng approval rating ay hindi nangangahulugan na nagpapabaya ang pamahalaan sa pagtulong at isulong ang mga programa para sa kapakanan ng publiko.
Samantala, umaasa naman si Remulla na kapag naramdaman na ng taumbayan ang mga proyekto at programa, gayundin ang isinusulong na rehabilitasyon at reporma sa sektor ng agrikultura at pinaigting na kampanya laban sa korapsyon ay tataas muli ang approval rating ni Pangulong Marcos Jr. at VP Sara Duterte-Carpio.