Manila, Philippines – Ipinagmalaki ng Malakanyang ang resulta sa latest survey ng Social Weather Stations na nagsasabing bumaba ang bilang ng mga Pilipinong na walang trabaho.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, patunay lang ito na patuloy na nagsusumikap ang administrasyon na mapanatili ang tinatamasang paglago ng ekonomiya.
Base kasi sa survey noong Marso, bumaba sa 22.9% ang adult joblessness rate – ibig sabihin, bumaba ito ng 2.2% mula sa 25.1% rating noong Disyembre 2016.
Inaasahan na aniya ng gobyerno ang patuloy na pagbaba ng unemployment rate bunga ng mas pinalakas na pamumuhunan ng pamahalaan sa larangan ng imprasktraktura.
Sa tulong aniya ng “Build-Build-Build” infra campaign ng pamahalaan, matatamasa ng bansa ang tinatawag na “golden age of infrastructure” na magbubunga naman ng milyung-milyong trabaho sa susunod na limang taon.
Sabi pa ni Abella, sa oras na matapos ang mga infrastructure projects ay magreresulta ito sa mas mabilis na daloy ng kalakalan na papabor din sa pagbuti ng ekonomiya.
DZXL558