Pagbaba ng edad ng mga batang pinayagang makalabas ng tahanan, ikinabahala ng ilang eksperto at opisyal ng gobyerno

Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang eksperto at opisyal ng gobyerno matapos payagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga batang edad 10 hanggang 14 na lumabas ng bahay sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Ayon kay Dr. Anna Ong-Lim, isang Pediatric Infectious Disease Specialist at miyembro ng Department of Health Technical Working Group, dapat isaalang-alang ng mga magulang ang kahalagahan ng gagawing lakad.

Kung maaari pa aniya ay huwag munang isama ang mga ito lalo’t andoon pa rin ang banta ng COVID-19.


Paliwanag naman ni Prof. Ranjit Rye ng OCTA Research Group, posibleng mas makasama pa ang pagluluwag sa age restrictions lalo na’t nakapasok na sa bansa ang mas nakakahawang COVID-19 variant.

Kung kailangan namang hingin ang opinyon ng eksperto, sinabi ni Pasay Mayor Emi Calixto Rubiano na mas makakabuting itong gawin.

Habang tingin ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ay hindi pa napapanahon ang pagpapalabas ng mga bata.

Maliban sa kanila, hindi rin pumabor sa desisyon ang Philippine Chamber of Commerce and Industry dahil hindi masyadong makakaapekto sa consumption ang pagpayag na makalabas ang mga bata gayong marami pa ring pamilya ang takot na mahawa ang kanilang anak sa COVID-19.

Facebook Comments