Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City – Naging maayos at tahimik ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon sa Lambak ng Cagayan.
Ito ang nilalaman ng kalatas na ipinaabot ng Police Regional Office Number 2 sa pamamagitan ng Chief Regional Public Information Office nito na si PSUPT CHEVALIER R IRINGAN sa lokal na media sa rehiyon.
Pinuri ni PCSUPT ROBERT G QUENERY, RD, PRO2 ang ginawang pagsisikap ng mga kapulisan sa Rehiyon Dos na mapanatili ang kaayusan at seguridad ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupan habang ipinagdiriwang ang kapaskuhan at ang pagsalubong sa bagong taon.
Bagamat may mga naitalang “firecracker related injuries”, pangkalahatang tahimik ang pagsalubong ng mga mamamayan sa bagong taon.
Ayon sa datos ng kapulisan, 52 insidente ng “firecracker related injuries”lamang ang naitala sa taong 2017. Ito ay mas mababa ng 39% kumpara sa 85 insidente sa nakaraang taon 2016.
Bunga ito ng pinaigting na kampanya ng Pambansang Pulisya at mga iba pang ahensya ng gobyerno na ipaabot sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng Quad Media na pahayagan, radyo at telebisyon na mag-ingat sa paggamit ng mga paputok, bagkus ay gumamit na lamang ng alternatibong pag-iingay katulad ng torotot.
Mahigpit din ipinatupad ng ating kapulisan ang Executive Order 28 (Providing for the regulation and control of the use of firecrackers and other pyrotechnic devices) ni Pangulong RODRIGO R DUTERTE.
Layunin nito ang pagsalubong sa bagong taon ng isang maayos, matiwasay at ligtas na paggamit ng mga paputok sa pamamagitan ng pagtalaga ng mga “Community Fireworks Display Zone” at “Community Firecrackers Zone” sa bawat barangay.
Pinasalamatan din ni RD QUENERY ang ipinakitang suporta ng publiko lalong-lalo na sa mga “gun owners” na tumalima sa mga paalaala ng kapulisan na maging responsible sa paggamit ng kani-kanilang baril.