Hinamon nina Gabriela Partylist Rep. Emmi de Jesus at Rep. Arlene Brosas ang gobyerno na iparamdam sa taumbayan ang pagbaba ng inflation sa 4.4% nitong nakaraang Enero.
Ayon kina de Jesus at Brosas, maipaparamdam ito sa mga mahihirap na Pilipino kung ibabasura ng pamahalaan ang mga ipinataw na bago at dagdag na buwis sa ilalim ng TRAIN Law.
Bagama’t magandang balita ang pagbaba ng inflation, sinabi ng 2 lady solon na pansamantala lamang ito dahil nakaambang pa ang mga dagdag na buwis na ipapataw ng pamahalaan.
Samantala, naniniwala naman si Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin na mahina lamang ang paggastos ng mga Pilipino nitong Enero dahil sa epekto ng mataas na paggastos ng publiko noong nagdaang Pasko.
Hindi pa aniya nagsisimulang maramdaman ang 2nd tranche ng ipinataw na excise tax sa langis pati na ang pagtaas ng presyo nito sa world market.
Dagdag pa nito, hangga’t hindi tumataas ang buwanang sahod at benepisyo ng mga manggagawa ay hindi sila makakasabay sa inflation o sa mabilis na pagmahal ng mga bilihin sa bansa.