Nakikitaan na ng pagbaba ng Department of Health (DOH) ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa halos lahat ng bahagi ng bansa.
Batay sa datos na inilabas ng DOH, bumababa na ang trend ng kaso na posibleng bunga ng pagbabakuna ng pamahalaan.
Lahat din ng rehiyon sa bansa ay nasa moderate o nasa low-risk case classification maliban na lamang sa Region 9 o Zamboanga Peninsula.
Pero kahit na bumababa na ang kaso ay pinayuhan ni Health Usec. Maria Rosarion Vergeire ang lahat ng maging maingat partikular na ang Cordillera Administrative Region (CAR) at Region 2 o Cagayan Valley dahil high-risk pa rin ang kanilang health system capacity.
Nasa mahigit 10,000 na ang average daily cases na naitala ng bansa nitong October 6 hanggang 12, pero nitong nakaraang limang araw ay bumaba na ito sa 7,732.
Naniniwala naman si OCTA Research Group Dr. Guido David na pwedeng pang umabot sa mas mababa sa 7,000 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa mga susunod na araw.
Kahapon, aabot na lamang sa 6,943 ang panibagong kaso na naitala ng DOH para sa kabuuang 2,727,286 cases.
Bumaba na rin sa 68,832 ang bilang ng active cases sa bansa.