Iginiit ng dalawang lider ng House Quad Committee na hindi suportado ng datos ng pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maraming krimen ngayon kumpara noong panahon ng kanyang administrasyon.
Ayon kay House Quad Committee Co-chairman at Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez, nabudol aniya na naman tayo dahil malinaw na mas mababa ang krimen ngayon kumpara noong panahon ng dating administrasyon.
Binigyang-diin ni Fernandez na ang mga opisyal na datos mula sa Philippine National Police (PNP) ay hindi tumutugma sa mga sinabi ni Duterte.
Punto naman ni House Quad Committee Lead Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang mga drug-related activity na naibunyag ng mga awtoridad sa ilalim ng pamahalaan ni Marcos ay nauugnay sa criminal syndicate na lumakas at lumawak sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.
Pangunahing inihalimbawa ni Barbers ang ang ₱6.3-bilyong shabu na nasabat sa isang bodega sa bayan ng Mexico sa Pampanga noong Setyembre 2023 na nauugnay sa ilang mga Chinese national na konektado sa adviser ni dating Pangulong Duterte na si Michael Yang.