Pagbaba ng kumpyansa ng dayuhang negosyante para mamuhunan sa bansa, hindi dapat isisi sa POGO-related crimes

Mababaw at walang sapat na basehan o pag-aaral ang pahayag ng Department of Finance (DOF) na may negatibong epekto sa kumpyansa ng mamumuhunan sa bansa ang pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) tulad ng kidnapping.

Sinabi ito ni Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment ukol sa operasyon ng POGO sa bansa.

Sa pagdinig ay inihayag ni Finance Undersecretary Maria Cielo Magno na mayroong direktang epekto sa foreign direct investment ang POGO-related crimes na maaaring magbunga ng 1% na pagbaba sa ating Gross Domestic Product.


Pero giit ni Salceda, marami pang factors ang nakaka-apekto sa pagpasok ng pamumuhunan sa bansa tulad ng “ease of doing business” at halaga ng kuryente na pawang higit na ikinokonsidera ng mga dayuhang negosyante.

Paliwanag pa ni Salceda, ang mga umiiral nating batas ngayon ay sapat para maresolba o matugunan ang mga krimen na ini-uugnay sa POGO.

Ipinunto pa ni Salceda na kung ang mga krimen ang dahilan para ihinto ang operasyon ng POGO ay dapat isara na rin ang iba pang industriya na humihikayat sa pagsasagawa ng mga iligal na aktibidad tulad ng Philippine Economic Zone Authority kung saan may smuggling umanong nagaganap.

Facebook Comments