Pagbaba ng lebel ng tubig sa La Mesa Dam, isinisi sa water treatment production ng Manila Water

Dahil sa tumaas na “water treatment production” ng Manila Water kaya bumaba ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam.

Ito ang iniulat ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa pagpupulong kahapon sa NDRRMC kaugnay ng El Niño phenomenon.

Ang Manila Water ang isa sa dalawang private concessionaires ng MWSS na responsable sa pag-supply ng tubig sa “east zone” ng Metro Manila; habang ang isa pang concessionaire ay ang Maynilad, na  nagsusuplay naman sa “west zone” ng Metro Manila.


Ayon sa MWSS ang kanilang alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam para sa Manila Water ay 18.5 cubic meters per second o 1.6 na bilyong litro kada araw.

Pero dahil sa lumaking demand mula sa consumers  ng Manila Water na umaabot sa 20.25 cubic meters per second o 1.75 bilyong litro kada araw, kumukuha ang Manila Water ng tubig sa La Mesa Dam para punuan ang pagkukulang.

Para maremedyuhan ito, napagkasunduan ng Technical Working Group (TWG) ng NDRRMC na magde-deliver ng 50 milyong litrong tubig kada araw ang Maynilad sa Manila Water.

Bukod dito, iprinisinta ng MWSS ang kanilang contingency plan na kinabibilangan ng pagbuhay sa Cardona water treatment plant sa katapusan ng buwan na makapagsusuplay ng 50 milyong litro kada araw; pagbuhay sa mga deep-well ng MWSS; rotating water supply at pressure management at paged-deploy ng mga mobile water treatment plant at tankers.

Facebook Comments