Tiniyak ng Department of Energy o DOE na hindi makaaapekto sa suplay ng kuryente sa bansa ang pagbaba ng level ng tubig sa ilang pangunahing dam sa Luzon.
Ginawa ni Energy Usec. Rowena Guevarra ang pahayag kasunod ng forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang bababa ng 50 hanggang 70 porsyento ang maisusuplay na kuryente ng mga hydropower plant.
Aniya, mahigpit nilang binabantayan ang ibang hydroelectric plants tulad ng Angat, Kalayaan, Magat at San Roque na pawang nakakabit lahat sa mga dam.
Una nang sinabi ni Guevarra na tatagal ang Yellow Alert hanggang sa Agosto pero hindi aniya ito nangangahulugan na magkakaroon ng kakapusan sa suplay ng kuryente.
May tatlo rin aniya silang transmission projects na inaasahang makatutulong para mapatatag lalo ang suplay ng kuryente sa bansa tulad ng Hermosa-San Jose, Cebu-Negros-Panay Project 3 at Mindanao-Visayas Interconnection.