Manila, Philippines – Ikinatuwa ng Malacañan ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong nagugutom sa bansa.
Base sa resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) bumaba sa 9.5% ang hunger rate sa bansa sa unang bahagi ng 2019.
Sabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo, nakakatuwa dahil malaki ang ibinaba ng hunger rate sa Metro Manila sa 6.6% mula sa 18.3% noong Disyembre ng 2018 at 11.7% noong nakaraang buwan.
Aniya, ito na ang epekto ng mga ginawang hakbang ni Pangulong Duterte sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mamamayan.
Gayunman, kinikilala pa rin naman ng pamahalaan na marami pa ring mahihirap na Pilipino ang nagugutom kaya naman hindi aniya humihinto si Pangulong Duterte sa pagpapaganda ng socioeconomic status ng bawat Pilipino at ibigay sa mga ito ang mas komportableng pamumuhay.
Marami na aniya ang nagawa ng administrasyon sa nakalipas na tatlong taon at asahan na mas marami pa itong ibibigay sa mga Pinoy hanggang sa matapos ang kanyang termino.
Kabilang aniya sa mga nagawa na ng administrasyon ay ang pgbibigay ng libreng gamot sa mga mahihirap, libreng edukasyon sa mga State Colleges and Universities, libreng irigasyon, universal health care at marami pang iba na resulta ng matinding political will ni Pangulong Duterte.