
Inaasahan na ng Malacañang ang pagbaba ng ranggo ng Pilipinas sa pinakahuling Corruption Perceptions Index sa ika-120 pwesto mula sa dating ika-114 sa mahigit 180 bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi na nila ito ikinagulat dahil mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-utos ng mas malalim na imbestigasyon laban sa korapsyon sa pamahalaan.
Paliwanag ng Palasyo, sa pagbubukas ng mga kaso ay mas maraming iregularidad ang lumilitaw, kabilang ang mga hindi nabibigyang-pansin noon.
Bahagi aniya ito ng layunin ng administrasyon na linisin ang sistema at papanagutin ang mga responsable.
Tiniyak ng Malacañang na magpapatuloy ang mga imbestigasyon at legal na hakbang laban sa katiwalian, at umaasa silang makikita rin sa mga susunod na taon ang bunga ng mga reporma laban sa korapsyon.










