Manila, Philippines – Hindi nababahala ang Palasyo ng Malacañang sa resulta ng survey ng Social Weather Station (SSS) na nagsasabi na bumaba ang trust rating ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatupad ng mga pangako nito noong panahon ng kampanya.
Ayon kay Incoming Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi na bago at natural lang na bumaba ang ratings ng isang nakaupong Pangulo kung ang pag-uusapan ay ang pagpapatupad ng mga campaign promises.
Binigyang diin ni Roque na patuloy pa rin namang tinutupad ng Pangulo ang kanyang mga binitawang pangako noong kampanya at ito ay makikita sa performance ng Pangulo.
Sinabi din naman ni Roque na hindi din naman marami ang ipinangako ng Pangulo noong kampanya at nilinaw din nito na kabilang sa ipinangako ng Pangulo ay ang paglaban sa kriminalidad at iligal na droga pati na ang katiwalian sa gobyerno.
Nabatid na batay sa Survey ng SWS na ginawa noong September 23 hanggang 27 na may 1500 respondents ay bumagsak sa 35% ang naniniwalang matutupad ng Pagulo ang kanyang campaign promises mula sa dating 63% noong 2016.