Pinaatupag ng Bayan Muna kay Energy Secretary Alfonso Cusi ang pagpapababa sa mataas na singil sa kuryente at presyo ng langis.
Kasunod ito ng anunsyo ng Meralco na magtataas sila ng P0.235/kwh para sa July billing dahil sa pagtaas sa electricity spot market bunsod ng sabayang shutdown ng mga planta ng kuryente.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, ang katumbas ng naturang rate increase base sa konsumo ay P47 para sa 200kwh; P70 para sa 300kwh; P94 para sa 400kwh; at P117 para sa 500kwh.
Tinukoy rin ni Zarate ang nakaambang na bigtime oil price hike na aniya’y pitong beses nang nagtataas.
Hinahanapan ng kongresista ang DOE ng mga hakbang kung ano ang ginagawa ng ahensya para maibsan ang mga pagtaas na ito.
Payo ng mambabatas kay Cusi, tutukan ang trabaho o magbitiw na lamang bilang kalihim kung mas prayoridad pala nito ang politika.