Pagbaba ng turistang Chinese sa Pilipinas, hindi dapat isisi sa POGO

Bumaba ang mga turistang Chinese sa Pilipinas dahil sa “no-tourist policy” ng China kaugnay sa COVID-19 pandemic at hindi dahil sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGOs.

Inihayag ito ni Albay Rep. Joey Salceda sa pagdinig ukol sa estado ng mga POGO ng House Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Rizal Representative Fidel Nograles.

Sa pagdinig ay ipinakita ni Salceda ang datos kung saan noong 2019 at 2020 ay bumaba ng 90.2% ang Chinese tourist na pumapasok sa Pilipinas, habang 88% naman ang pagbaba ng Chinese tourists sa iba pang bansa sa mundo.


Noon namang 2019 at 2022, ay nasa 99.4% ang pagbaba ng Chinese tourists na bumibisita sa Pilipinas, habang 94.5% na pagbaba sa Chinese tourists sa ibang panig ng mundo.

Giit ni Salceda, kitang-kita na walang diperensya kung may POGO o walang POGO, dahil talaga namang walang turista na pinapalabas ang China dahil sa “zero COVID policy” nila.

Diin pa ni Salceda, “highly speculative” para sa National Economic Development Authority o NEDA na i-ugnay ang POGOs sa bilang ng mga Chinese tourist sa ating bansa, lalo’t ang Chinese ambassador ang nagsabi na walang relasyon ang dalawa.

Facebook Comments